HANDA na si two-time Philippine Basketball League MVP Jason Castro na dalhin ang pangalan ng Pilipinas sa kanyang pagsabak sa Singapore Slingers sa National Basketball League (NBL) na sisimulan ang bagong season sa September.
Si Castro, na inihatid ang Harbour Centre sa apat na PBL titles, ang unang Filipino cager na magpapakitang-gilas sa NBL makaraang pumirma ng six-month contract para sa Slingers kamakalawa.
Tatanggap ang 5-foot-10 na si Castro ng A$60,000 kada buwan sa kanyang paglalaro na Singapore Slingers, kung saan ang kanyang kontrata ay magtatapos sa February ng susunod na taon.
Si Castro ay magsisilbing ikatlong import ng Singapore.
“Ibibigay ko ang 100 percent ko sa Slingers tulad ng ginawa ko sa Harbour at sa Philippine team,” wika ni Castro sa biglaang press conference na ginanap kahapon sa Saisaki restaurant sa Mandaluyong.
Kasama ni Castro ang kanyang agent na si Danny Espiritu at sina PBL commissioner Chino Trinidad, Batang Pier team manager Eric Arejola, Slingers basketball operations manager Michael Johnson, managing director Bob Turner at talent scout Paul Monozca.
Ang Singapore-based na si Monozca ang naging instrumento upang makapaglaro si Castro sa Slingers, na hindi nakapasok sa NBL playoffs noong nakaraang taon.
Habang naghahanda ang Harbour Centre sa pagdepensa ng korona ng Pilipinas sa Southeast Asian Games ay nasaksihan ng Singapore Slingers ang impresibong laro ni Castro sa tune-up games.
Ang kanyang ipinakita ang naging tiket upang madagit ng Slingers si Castro, na handang isakripisyo ang kanyang oras sa mga mahal sa buhay upang matupad ang pangarap.
“Jason (Castro) is very talented. We will put him as a starter and he will be a great help for the team,” wika ni Johnson.
“We (Slingers) will also help him in honing further his skills,” aniya.
Natutuwa si Trinidad sa pagkuha ng Singapore Slingers kay Castro, na ang pagsabak sa NBL ay magsasaisantabi sa kanyang hangaring makapaglaro sa PBA.
“The PBL is glad na naging part kami ng basketball career ni Jason (Castro) and we wish him best. Isang malaking tagumpay ito sa Philippine basketball as a whole,” wika ni Trinidad.
Sinabi ni Johnson na maraming Filipino cagers ang maaaring sumunod sa yapak ni Castro.
Nang mapanood nina Johnson at Turner ang laro ng Barangay Ginebra at Purefoods Tender Juicy kamaka-lawa, nasiyahan sila sa magandang ipinakita ni one-time MVP James Yap.
No Comments Yet
No comments yet.
Comments RSS TrackBack Identifier URI
Leave a comment
